New Year’s Wish

“Ilang minuto na lang, Bagong Taon na!!!” sigaw ng isa sa mga kapitbahay namin. Habang busy ang nanay ko at si Ate Kristine sa paghahanda ng media noche at ang tatay ko sa pagtikim sa mga niluluto nila, nasa itaas ako ng bahay namin, nakatingin sa labas ng bintana. Maya-maya, Bagong Taon na.
Pero hindi ko pa rin nakakalimutan si Max.
Six months ago nang makipag-break siya sa akin. Wala na daw kasi siyang nararamdamang “spark.”
Posible ba talagang ma-fall out of love?
“Sabi ko naman sa’yo noon, Rose, hindi ko gusto ang aura ng lalaking ‘yan,” sabi ni Francis, best friend ko at kababata. Ilang taon nang nasa Los Angeles si Francis. Nag-migrate ang family niya doon pagkatapos ng high school graduation.
“Grabe ka naman, minahal ko ‘yon.”
“Eh pero ngayon ayaw na niya sa’yo. Wala ka nang magagawa.”
Kahit na noong umalis si Francis, madalas pa rin kaming mag-usap. Sa Facebook, sa Skype. Noong una, inaangasan niya ‘ko sa tuwing ikukuwento ko sa kanya si Max. Pero habang tumatagal, parang nakikisimpatya na siya sa nararamdaman ko.
“Na-in love ka na ba? Tapos nasaktan?” Minsang tanong ko sa kanya.
“Maraming beses na ‘kong nasaktan.”
“Ano’ng ginagawa mo? Kapag nasasaktan ka?”
“Dumudungaw ako sa bintana. Titingin sa mga buwan at mga bituin. Magdadasal na sana matapos na ang sakit. At maging masaya siya.”
Kaya naman, sa bintana ng kwarto ko ngayon, sa gitna ng ingay ng mga paputok dahil sa malapit na nga mag-alas dose ng hatinggabi, nakatingin ako sa buwan at mga bituin.
“Lord, sana makita ko na ‘yung taong magpapasaya sa akin. Sa taon na darating sana makalimutan ko na si Max,” bulong ko.
Maya-maya pa ay sumigaw na ulit ang kapitbahay namin.
“Happy New Year!”
Biglang naging maliwanag ang langit dahil sa mga fireworks. Parang hindi ko na maaninag ang buwan na kani-kanina lang nasa harap ko.
“Happy New Year, Rose!” sigaw ni Ate Kristine na pumasok pala sa kwarto ko sabay yakap sa akin.
“Happy New Year, Ate!”
Dapat maging masaya ako ngayon. Kasama ko ang buong pamilya ko na sasalubungin ang Bagong Taon. ‘Di ba dapat sapat na ‘yon?
Nakiisa kami sa celebration. Nagsindi kami ni Ate Kristine ng lusis. Ang nanay ko naman ay nagsindi ng mga kandila na iba-iba ang kulay at itinirik sa window sill. Tapos ay kumain na kami. Sandali kong nakalimutan ang lungkot na nararamdaman ko kanina. Pero nang magpaalamanan na kami na matutulog na, nakaramdam ako ulit ng lungkot.
Aakyat na sana ako ulit sa kwarto ko nang may biglang kumatok. Tahimik na sa labas. Wala nang nagpapaputok. Sino naman kaya ang nasa labas?
Lumapit ako sa pinto at binuksan iyon.
“Happy New Year,” nakangiting sabi ni Francis.
Mabilis ang tibok ng dibdib ko. Matagal kong hindi nakita si Francis. Lalo siyang tumangkad at mas pumogi.
“Francis… Happy New Year.” ‘Yun lang ang nasabi ko.
Hindi pa rin nawawala ng ngiti sa mga labi niya, kaya naman napangiti rin ako. Pinapasok ko siya sa sala. Tiyak mahaba-habang kwentuhan ‘to.

new year's wish

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.